Friday, February 12, 2010

Ang maikling kasaysayan ni Juan Chokolate: I

by Ewong Martines

"I (o, ang simula ay ang katapusan)"

Sa bawat pakikipagtalik na pinaigting
ng pinaghalong pawis at likidong katamisan,
panagimpan ni Juan Chokolate ang pagtakas
nila ni Maya.

Ang tansong tandang kanyang titiraduhin
bago pa man humudyat-awit upang sila’y pigilan.
Maligaya nilang tatahakin ang daan papalayo
sa Kasa Oskura.

Sa binabangungot nilang bayan. Maya-maya’y
tanaw na nila ang mga gusaling sumasayaw,
matatayog, at humahalik
sa kalangitan.

Manghang-mangha sa kakaibang mundo
ng libu-libong nagliliparang landas, sasakyan
at katauhan. Magkahawak-kamay,
sila’y magtatakbuhan.

Kahit sa panaginip lang, magkasama nilang
bubuuin ang kaluluwang nilusaw ng mga
hayok sa laman.

Nakatirik ang araw nang matamo nila
kanilang kalayaan.

No comments:

Post a Comment