Saturday, May 1, 2010

Lumang Lihim

by Ewong Martines

minsan,
nagbahagi
ang iyong ina
ng isang kwentong
nagpása-pása
mula sa kanyang ina,
mula’t mula pa sa lahat ng ina bago siya:
tungkol sa misteryo ng mariposa. aniya,
‘di namamatay ang mariposa. maliban na lang
kung sila’y ating sunugin, o tapakan, o kainin,
lilipad sila
nang walang hanggan sa hardin
ng melancholia.
binubulong ng mariposa, sabi pa niya, ang kanilang lihim
sa mga bulaklak
na ‘di naman nakikinig. hinahagod at sinusuyo,
pinupuri kanilang samyo. ngunit ang isteymen at pistil
ay magsing-irog na ‘di naniniwala
sa mga kwento ng palaboy
na bahaghari.
kaya’t itong mariposa,
lumilipat na sa ibang bulaklak
na ‘di pa rin namamansin.

at nakakaalala. maglalakbay itong sunod
sa himpapawid,
sa kakahuyan, sa tabing-ilog, sa kabukiran,
hanggang matunton nito kung saan ang araw at dagat
ay nagkahagkan.
sa pagkakataong ito, ang mariposa’y halos gula-gulanit,
ngunit sadya pa ring marikit.

at ngayong ako’y papalipad na,
ang mga lumang lihim na aking tangan
ay lubhang mahiwaga
upang isiwalat pa.

_____________________________
*translated from an earlier poem.

No comments:

Post a Comment