Showing posts with label translation. Show all posts
Showing posts with label translation. Show all posts

Saturday, May 1, 2010

Lumang Lihim

by Ewong Martines

minsan,
nagbahagi
ang iyong ina
ng isang kwentong
nagpása-pása
mula sa kanyang ina,
mula’t mula pa sa lahat ng ina bago siya:
tungkol sa misteryo ng mariposa. aniya,
‘di namamatay ang mariposa. maliban na lang
kung sila’y ating sunugin, o tapakan, o kainin,
lilipad sila
nang walang hanggan sa hardin
ng melancholia.
binubulong ng mariposa, sabi pa niya, ang kanilang lihim
sa mga bulaklak
na ‘di naman nakikinig. hinahagod at sinusuyo,
pinupuri kanilang samyo. ngunit ang isteymen at pistil
ay magsing-irog na ‘di naniniwala
sa mga kwento ng palaboy
na bahaghari.
kaya’t itong mariposa,
lumilipat na sa ibang bulaklak
na ‘di pa rin namamansin.

at nakakaalala. maglalakbay itong sunod
sa himpapawid,
sa kakahuyan, sa tabing-ilog, sa kabukiran,
hanggang matunton nito kung saan ang araw at dagat
ay nagkahagkan.
sa pagkakataong ito, ang mariposa’y halos gula-gulanit,
ngunit sadya pa ring marikit.

at ngayong ako’y papalipad na,
ang mga lumang lihim na aking tangan
ay lubhang mahiwaga
upang isiwalat pa.

_____________________________
*translated from an earlier poem.

Friday, April 30, 2010

Ang chokoleyt ay 'di lang ang keyk

by Ewong Martines

                                                kung saan matitikman
ang asukal. ang tubig ay ‘di lang

ang inumin na kinikilala ng nanunuyong
lalamunan. ang saging ay ‘di lang

ang prutas na para sa unggoy ay katakam-
takam. ang lawin ay ‘di lang

ang ibon na lumilipad at sumusuot
sa kagubatan. ang bubuyog ay ‘di lang

ang insektong sa bulaklak ay nakikipag-
romansahan. naiinggit ang bahaghari

sa paru-paro, ‘pagkat ang kariktan nito’y
nakakadayo. (ang pula ay ‘di lang

ang kulay ng pag-ibig, ‘pagkat ang sa aki’y
bughaw.) at ang aking bibig,

ay nananabik sa matamis mong halik,
(at tsaka isaw.)

__________________________________
*translated into Tagalog from an earlier poem


Thursday, April 29, 2010

Hinggil sa malayang kalikasan ng mga bagay

by Ewong Martines

Grabedad:
Kung paano lalong bumibigat
Sa tuwing ito’y ating dinadalumat.
Ang tánging tumatangis: isang gripo,
Ngunit ang panaghoy, dinig sa buong bahay.
Mainam na namumuhay:
Isang segundo,
Na lalamunin lang, lagi’t walang-humpay,

Ng hayok na bibig ng orbito ng daigdig,
Wari’y sinusubukang bigyang-kahulugan
Yaong tinawag na walang hanggan. Ito ang katuturan
Ng oras, wika mo: sa ere’y ‘di makita,
Ngunit sa puso’y nakikintal:
Isang musika.

‘Wag pigilin ang boses mula sa’yong loob,
Sabi mo: isang munting ibong maya,
Lumalaya mula itlog ng kanyang ina,
Humihikab nang tila bukang-liwayway.
At kung sakaling labis na ang ingay,
Pawalán na tulad ng lahar na rumaragasá
Na siya rin namang lumilikha
Ng magandang tanawi’t aplaya.
Naniwala ako sa’yong pahayag:
Probabilidad,
Ating matalik na kaibigan,
Pinakamahusay na imbensyon
Ng Panginoon. Winika mo ito upang ako
Ay manalig na sa ibabaw nitong koro
Mga boses nati’y muling magtatagpo.

At sa wakas,
Sa panahong ang isang bagay
Ay naging pakay, may dalawang akto
Ng pag-ibig patungong langit:
Tayo'y nang magkasala,
Halina't umawit.
________________________________
*poem is translated from the English original.