Friday, April 30, 2010

Ang chokoleyt ay 'di lang ang keyk

by Ewong Martines

                                                kung saan matitikman
ang asukal. ang tubig ay ‘di lang

ang inumin na kinikilala ng nanunuyong
lalamunan. ang saging ay ‘di lang

ang prutas na para sa unggoy ay katakam-
takam. ang lawin ay ‘di lang

ang ibon na lumilipad at sumusuot
sa kagubatan. ang bubuyog ay ‘di lang

ang insektong sa bulaklak ay nakikipag-
romansahan. naiinggit ang bahaghari

sa paru-paro, ‘pagkat ang kariktan nito’y
nakakadayo. (ang pula ay ‘di lang

ang kulay ng pag-ibig, ‘pagkat ang sa aki’y
bughaw.) at ang aking bibig,

ay nananabik sa matamis mong halik,
(at tsaka isaw.)

__________________________________
*translated into Tagalog from an earlier poem


Thursday, April 29, 2010

Hinggil sa malayang kalikasan ng mga bagay

by Ewong Martines

Grabedad:
Kung paano lalong bumibigat
Sa tuwing ito’y ating dinadalumat.
Ang tánging tumatangis: isang gripo,
Ngunit ang panaghoy, dinig sa buong bahay.
Mainam na namumuhay:
Isang segundo,
Na lalamunin lang, lagi’t walang-humpay,

Ng hayok na bibig ng orbito ng daigdig,
Wari’y sinusubukang bigyang-kahulugan
Yaong tinawag na walang hanggan. Ito ang katuturan
Ng oras, wika mo: sa ere’y ‘di makita,
Ngunit sa puso’y nakikintal:
Isang musika.

‘Wag pigilin ang boses mula sa’yong loob,
Sabi mo: isang munting ibong maya,
Lumalaya mula itlog ng kanyang ina,
Humihikab nang tila bukang-liwayway.
At kung sakaling labis na ang ingay,
Pawalán na tulad ng lahar na rumaragasá
Na siya rin namang lumilikha
Ng magandang tanawi’t aplaya.
Naniwala ako sa’yong pahayag:
Probabilidad,
Ating matalik na kaibigan,
Pinakamahusay na imbensyon
Ng Panginoon. Winika mo ito upang ako
Ay manalig na sa ibabaw nitong koro
Mga boses nati’y muling magtatagpo.

At sa wakas,
Sa panahong ang isang bagay
Ay naging pakay, may dalawang akto
Ng pag-ibig patungong langit:
Tayo'y nang magkasala,
Halina't umawit.
________________________________
*poem is translated from the English original.