Grabedad:
Kung paano lalong bumibigat
Sa tuwing ito’y ating dinadalumat.
Ang tánging tumatangis: isang gripo,
Ngunit ang panaghoy, dinig sa buong bahay.
Mainam na namumuhay:
Isang segundo,
Na lalamunin lang, lagi’t walang-humpay,
Ng hayok na bibig ng orbito ng daigdig,
Wari’y sinusubukang bigyang-kahulugan
Yaong tinawag na walang hanggan. Ito ang katuturan
Ng oras, wika mo: sa ere’y ‘di makita,
Ngunit sa puso’y nakikintal:
Isang musika.
‘Wag pigilin ang boses mula sa’yong loob,
Sabi mo: isang munting ibong maya,
Lumalaya mula itlog ng kanyang ina,
Humihikab nang tila bukang-liwayway.
At kung sakaling labis na ang ingay,
Pawalán na tulad ng lahar na rumaragasá
Na siya rin namang lumilikha
Ng magandang tanawi’t aplaya.
Naniwala ako sa’yong pahayag:
Probabilidad,
Ating matalik na kaibigan,
Pinakamahusay na imbensyon
Ng Panginoon. Winika mo ito upang ako
Ay manalig na sa ibabaw nitong koro
Mga boses nati’y muling magtatagpo.
At sa wakas,
Sa panahong ang isang bagay
Ay naging pakay, may dalawang akto
Ng pag-ibig patungong langit:
Tayo'y nang magkasala,
Halina't umawit.
________________________________*poem is translated from the English original.
No comments:
Post a Comment